MANILA, Philippines – Halos isang milyong Pilipino sa buong bansa ang nakinabang sa “Benteng Bigas Meron (BBM) Na” program ng gobyerno mula nang ilunsad ito pitong buwan na ang nakalipas, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ayon kay DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra, ang PHP20-per-kilo rice initiative ni President Ferdinand R. Marcos Jr., na inilunsad noong Mayo 13, 2025, ay nakarating na sa halos 900,000 benepisyaryo.
Plano ng DA na i-modernize ang registration system ng programa upang masiguro na ang mga target na benepisyaryo ang makakabili ng subsidized rice at ma-monitor kung saan at gaano kadalas nila ito binibili. Layunin nilang maabot ang 15 milyong pamilya sa programa pagsapit ng 2026.
Sinabi rin ni Guevarra na ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), sapat ang PHP500 para sa Noche Buena ng isang pamilya, depende sa ihahandang pagkain. Halimbawa, ang presyo ng baboy ay nasa PHP330 kada kilo at manok PHP180–200 kada kilo.
Hinihikayat niya ang mga mamimili na mamili sa Kadiwa stores, kung saan mas mura ng 20–30 porsiyento ang presyo dahil sa direktang farm-to-consumer setup. Sa kasalukuyan, may 740 Kadiwa stores at pop-up outlets sa buong bansa, at higit sa 100 ang regular na nag-ooperate. RNT/MND