Home HOME BANNER STORY Bagong algorithm makatutuklas ng shear line, nadiskubre!

Bagong algorithm makatutuklas ng shear line, nadiskubre!

379
0

MANILA, Philippines – Nakabuo ang isang pangkat ng mga mananaliksik at internasyonal na eksperto ng bagong physics-based algorithm na kayang tuklasin ang weather system na tinatawag na shear line.

Ayon sa Pagasa, ang shear line ay nabubuo kapag nagtatagpo ang northeast monsoon o amihan at ang mainit na easterlies mula sa Pacific Ocean.

Sa kanilang press release noong Biyernes, sinabi ng mga siyentipiko na makakatulong ang bagong paraan sa pagtukoy sa papel ng shear line sa matinding pag-ulan sa panahon ng amihan, mula Nobyembre hanggang Pebrero.

Ayon sa Pinoy lead researcher na si Lyndon Mark Olaguera, pangunahing gamit ng algorithm ang weather forecasting at pagpapabuti ng early warning systems. Ito rin ang unang pag-aaral na nag-develop ng objective index para matukoy ang shear lines sa Pilipinas.

Hindi tulad ng cold fronts o tropical cyclones, wala pang standard na paraan para tuklasin ang shear lines, na kadalasang nabubuo kapag humihina ang cold fronts sa ibabaw ng mainit na karagatan.

Bukod sa forecasting, pwedeng gamitin ang algorithm sa climatological studies at pagpapabuti ng numerical weather prediction models.

Kasama sa research team sina John Manalo (Pagasa), Jun Matsumoto (Tokyo Metropolitan University), at Faye Abigail Cruz at Jose Ramon Villarin (Ateneo de Manila University).

Ayon sa mga mananaliksik, posibleng mapahusay din ng algorithm ang monitoring ng iba pang weather systems tulad ng Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ), lalo na kung pagsasamahin sa artificial intelligence.

Ginamit sa pagbuo ng algorithm ang dekada ng weather data, kabilang ang matinding pag-ulan noong 2017 na dulot ng shear line. Sinuri ang mga indikasyon gaya ng wind patterns, temperatura, at moisture para matukoy ang mga karaniwang katangian ng shear line.

Ang kanilang pag-aaral, “An Objective Method to Locate Shear Lines during the Northeast Monsoon Season in the Philippines,” ay nailathala noong Nobyembre 2025 sa Scientific Online Letters on the Atmosphere ng Meteorological Society of Japan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here