MANILA, Philippines – Sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinalawak ng gobyerno ang tulong sa mga OFW sa pamamagitan ng Bagong Bayani ng Mundo–OFW Serbisyo Caravan 2025, na pinangunahan ng Department of Migrant Workers (DMW).
Mula Hunyo hanggang Oktubre 2025, nakapagbigay ang caravan ng on-site government services sa 11 lungsod sa buong mundo, kabilang ang Hong Kong, Riyadh, Osaka, Doha, Dubai, Jeddah, Al Khobar, Shanghai, London, Rome, at Milan. Sa kabuuan, 18,790 OFWs ang natulungan, na may 31,638 government transactions na sumaklaw sa kontrata, dokumento, legal at welfare assistance, insurance, social protection, at national ID.
Pinangunahan ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, pinagsama ng caravan ang 18 ahensya at isang NGO upang maging one-stop service hub, kung saan puwede nang makumpleto ng OFWs ang dokumento at serbisyo nang hindi na bumibisita sa iba’t ibang opisina. Mayroon ding wellness zones, medical checks, at outreach sa mga OFWs na hindi makadalo sa event.
Dahil sa tagumpay nito, nakatakdang ipagpatuloy ang mga karavan sa iba pang lungsod sa Abu Dhabi, Hong Kong, Riyadh, Singapore, Dubai, Al Khobar, Phnom Penh, at Kuwait, na nagbibigay ng tuloy-tuloy na suporta sa mga Bagong Bayani ng Mundo. RNT/MND