MANILA, Philippines – Tinukoy ni Executive Secretary Ralph Recto sa National Security Summit 2025 na ang tunay na pambansang seguridad ay hindi lamang tungkol sa militar o digmaan, kundi sa kakayahan ng gobyerno na protektahan ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.
Ani Recto, kasama sa seguridad ang abot-kayang pagkain, maayos na kuryente, sapat na kita, totoong balita, at tiwala sa mga institusyon. Binigyang-diin niya ang konsepto ng human security, kung saan ang ekonomiya, serbisyong panlipunan, edukasyon, at kalusugan ay bahagi ng pambansang depensa.
Ayon sa kanya, ang mahinang pamamahala, korapsyon, at kakulangan sa transparency ay banta rin sa seguridad dahil nagpapahina sa tiwala ng publiko. Kaya naman, isinusulong ng administrasyon ang reporma sa gobyerno, kabilang ang anti-political dynasty bill, pagbabago sa party-list system, at pagbibigay ng access sa pondo ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Recto na ang pinakamalaking depensa ng bansa ay ang empowered at edukadong mamamayan, at nanawagan siya sa mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng gobyerno, akademya, civil society, industriya, at lokal na komunidad upang masiguro ang seguridad at kaunlaran para sa lahat. RNT/MND