MANILA, Philippines – Naantala muli ang bicameral conference committee meeting para sa panukalang 2026 national budget matapos magkaroon ng panandaliang hindi pagkakasundo sa pagitan ng mga miyembro ng House of Representatives at Senate noong Linggo.
Nagsimula ang isyu nang hilingin ni Rep. Mikaela Suansing, chairperson ng House committee on appropriations, na payagang magsalita si Public Works Secretary Vince Dizon tungkol sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), partikular sa Construction Materials Price Data (CMPD).
Ayon kay Suansing, ang CMPD ay ibinaba matapos maupo si Dizon bilang DPWH secretary, na nagresulta sa pagbaba ng panukalang badyet ng ahensya para sa 2026.
Gayunman, noong Sabado ng gabi, naglabas ang DPWH ng liham sa social media na ipinadala nila sa Senado, na humihiling na maibalik ang ilan sa mga binawas na pondo dahil sa updated CMPD Special Issuance.
Sinabi ni Sen. Win Gatchalian, chair ng Senate finance committee, na nauunawaan nila ang sitwasyon ni Dizon dahil nakaupo ito matapos isumite ng ehekutibo ang National Expenditures Program (NEP). Ngunit iginiit niya na ilang beses nang tinanong ang DPWH kung tama ang mga numerong isinumite nito.
Binanggit din ni Gatchalian ang mga anomalya noong mga nakaraang administrasyon, gaya ng overpricing, SOPs, bribery, ghost projects, at isyu sa flood control, at sinabi niyang kinilala mismo ni Dizon sa mga pagdinig na may overpricing sa nakaraan, dahilan kung bakit inilabas ang CMPD.
Ipinunto ni Suansing na mas mainam munang pakinggan ang paliwanag ni Dizon bago magbigay ng komento ang ibang mambabatas. Ngunit sinabi ni Gatchalian na dapat munang magsalita ang ibang senador.
Sa panig ng Senado, tumutol sina Sen. Erwin Tulfo at Sen. Imee Marcos. Para kay Tulfo, ang bicameral meeting ay para lamang sa mga mambabatas, at hindi dapat lumahok ang mga opisyal ng ehekutibo. Sumagot naman si Rep. Rufus Rodriguez na ang bicam ay komite pa rin ng Kongreso at maaaring magpatawag ng mga opisyal kung kailangan ng paglilinaw.
Ayon kay Marcos, may pangamba siyang baka magbago na naman ang posisyon ni Dizon, dahil ito rin ang nagbigay ng mga numero sa Senado noong mga nakaraang pagdinig. Dagdag pa niya, may sapat nang oras si Dizon para linawin ang mga isyu dahil naitalaga siya noong Agosto 31.
Kalaunan, pumayag si Gatchalian na magsalita si Dizon, matapos magkasundo ang parehong Kapulungan.
Ang bicameral meeting ay naantala ng mahigit isang oras. Orihinal itong nakatakdang magsimula ng 3:00 p.m., ngunit nagsimula lamang ang talakayan ng 4:49 p.m.
Ayon kay Sen. Francis Pangilinan, ang delay ay dahil sa hiwalay na pulong ng mga senador tungkol sa mga realignment sa badyet at iba pang usapin. RNT/MND