MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa publiko sa pagkalat ng pekeng inspection notices lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ayon sa ahensya, marami umanong “unauthorized or fake’’ inspection notices na umano’y mula sa kanilang ahensya ang ipinadadala sa business establishments na layuning pagkakitaan.
Binigyang diin ng PDEA na ginagamit ang inspection notices upang makakotong sa business establishments kapalit nang hindi na pagsasagawa ng inspection, o ng pagkakaiwas sa multa.
Ang mga pekeng notices ay ipinadadala sa business establishment para i check ang compliance o pagsunod sa Drug-Free Workplace Program sa mga kumpanya.
“We urge the public and our partner institutions to remain vigilant and immediately report such incidents to Isumbong Mo Sa PDEA Hotline Numbers: 09953457020; and 09310278212,’’ anang PDEA sa kanilang advisory.
Gayunman, nilinaw ng PDEA na tanging ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang may kapangyarihang magpalabas ng Department Order na nag aatas ng inspeksyon.
Alinsunod sa Dangerous Drugs Board (DDB) Regulation No. 8, Series of 2003 at Department of Labor and Employment (DOLE) Department Order No. 53-03, Series of 2003, ang responsable sa monitoring ng compliance ng Drug-Free Workplace ay nakasandal sa DOLE, at hindi sa PDEA. (Dave Baluyot M)