MANILA, Philippines – Sa unang araw ng Misa de Gallo, hinikayat ni Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula ang mga mananampalataya na tanggapin ang lahat ng nagnanais maging bahagi ng simbahan, binibigyang-diin na may puwang ang bawat isa sa loob nito.
Sa kanyang homiliya sa Manila Cathedral madaling-araw ng Martes, binigyang-halaga ni Advincula ang Simbang Gabi bilang panahon ng paghahanda para sa Pasko.
“Ang Simbang Gabi ay isang makahulugang tradisyon sa Katolikong Pilipino, sa loob ng siyam na araw inhahanada natin ang sarili sa pagdating ng ating taga pagligtas,” aniya.
Dagdag pa niya, habang papalapit ang Pasko ay nakikipaglakbay ang mga mananampalataya kay Maria sa pagtanggap kay Kristo.
“Habang papalapit ang Pasko, nakikipaglakbay tayo kay Maria at hinihiling ang panalaging na tulungan tayo tanggapin ang kanyang anak sa ating puso,” ayon sa Cardinal.
Binigyang-diin ni Advincula na bukas ang simbahan para sa mga unang beses pa lamang pumapasok, sa mga nagbabalik-loob, at sa mga may dinadalang pasanin o hinanakit. “Ang simbahan ay hindi lamang sa nag-aakalang karapat dapat,” ani niya.
Nagbabala rin ang Cardinal na ang hindi pagtanggap sa iba ay nagdudulot lamang ng pagkakahati-hati at pag-iisa, at iginiit na bagama’t maaaring maging makitid ang mundo ng tao, bukas ang puso ng Diyos para sa lahat.
“There are times that our world is small because we protect ourselves, but the heart of God is not small. God wants everyone to be near Him,” ani Advincula.
Samantala, dinumog din ng mga mananampalataya ang unang araw ng Simbang Gabi sa Quiapo, Manila.







