MANILA, Philippines — Muling pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko hinggil sa mga uri at tatak ng mga paputok at pyrotechnic devices na ipinagbabawal gamitin ngayong holiday season.
Ayon sa advisory ng PNP, kabilang sa mga ipinagbabawal ang mga overweight na paputok na may lampas isang-katlong kutsarita o higit sa 0.2 gramo ng explosive content, mga oversized na paputok tulad ng super lolo at giant whistle bomb, at yaong may halong sulfur o phosphorous at chlorates.
Ipinagbabawal din sa pangkalahatang publiko ang mga Class 4 firecrackers na maaari lamang ibenta sa mga lisensyadong pyrotechnician at fireworks display operators, habang ang mga fuse-type firecrackers ay dapat masunog nang hindi bababa sa tatlong segundo at hindi hihigit sa anim na segundo.
Dagdag pa ng PNP, kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ang:
-Watusi
-Lolo Thunder
-Pop Pop
-Atomic Triangle
-Pla-pla
-Piccolo
-Five Star
-Giant Bawang
-Giant Whistle Bomb
-Coke-in-Can
-Atomic Bomb,
-Bin Laden
-Super Lolo
-Kabasi
-Super Yolanda
-Boga
-Kwiton
-King Kong
-Dart Bomb
-at iba pang kahalintulad na paputok na may kaparehong pangalan o tatak.
Ipinagbabawal din ang lahat ng imported na tapos na produkto, lahat ng overweight at oversized na paputok, at iba pang locally made na pyrotechnic devices na walang label. Santi Celario