Home METRO Sultan Kudarat, itinutulak bilang “Coffee Capital ng Pinas”

Sultan Kudarat, itinutulak bilang “Coffee Capital ng Pinas”

307
0

SULTAN KUDARAT, Philippines – Nangako si Sultan Kudarat Gov. Datu Pax Ali Mangudadatu na palalakasin pa ang industriya ng kape sa lalawigan sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga magsasaka, paggawa ng mga polisiya, at pagbibigay ng mahahalagang imprastraktura.

Ayon sa gobernador, sa tulong ng mga hakbang na ito ay posible nang opisyal na kilalanin ang Sultan Kudarat bilang coffee capital ng Pilipinas.

Sa isang press briefing, sinabi niyang itinutulak nila ang pagpasa ng isang panukalang batas sa Kongreso na magbibigay ng naturang pagkilala sa lalawigan.

Ipinaliwanag ni Mangudadatu na kapag naisabatas ito, uunahing suportahan ng pambansang pamahalaan ang Sultan Kudarat sa mga programang may kinalaman sa kape, tulad ng pamamahagi ng pataba at pagtatayo ng farm-to-market roads.

Dagdag pa niya, bilang nangungunang producer ng kape sa bansa, nararapat lamang na mabigyan ng sapat na suporta ang lalawigan, kabilang ang pagpapagawa ng mas maraming post-harvest at processing facilities.

Batay sa Philippine Coffee Industry Roadmap 2021–2025, nasa 35 porsiyento o humigit-kumulang 22,000 tonelada ng kabuuang produksyon ng kape sa bansa noong 2020 ay mula sa Soccsksargen.

Sa bilang na ito, 85 porsiyento ay nagmumula sa Sultan Kudarat. Mayroon ding mahigit 27,000 ektarya ng taniman ng kape sa rehiyon, at 20,000 ektarya rito ay nasa lalawigan.

Sa ilalim ng House Bill 390 na inihain ni Rep. Princess Rihan Sakaluran ng unang distrito ng Sultan Kudarat, layong magtatag ng sentro para sa makabagong pananaliksik sa industriya ng kape.

Tatalakayin dito ang mga isyu tulad ng post-harvest handling, pest at disease control, at kalusugan ng lupa, pati na rin ang pagsasanay at capacity-building ng mga magsasaka.

Isinusulong din ng panukala ang paggamit ng makabagong teknolohiya, marketing innovations, at mas malakas na ugnayan ng pamahalaan, akademya, at pribadong sektor upang mapalakas ang buong value chain ng kape sa bansa.

Bilang bahagi ng pangmatagalang plano ng lalawigan, sinabi ni Mangudadatu na may suporta rin sila mula sa ibang mambabatas, kabilang si Sen. Panfilo Lacson, na naghain ng Senate Bill 1556 o ang Philippine National Coffee Industry Development Act of 2025.

Layunin ng panukalang ito na bumuo ng National Coffee Board, palakasin ang industriya ng kape, pataasin ang kakayahang makipagsabayan sa pandaigdigang merkado, at bawasan ang pag-asa ng bansa sa imported na kape.

Ayon kay Mangudadatu, kapag naisabatas at maipatupad nang maayos ang mga panukalang ito, malaki ang maitutulong nito sa mga lokal na magsasaka ng kape sa Sultan Kudarat.

Bagama’t may umiiral nang mga programa at pasilidad, naniniwala siyang ang opisyal na deklarasyon ng lalawigan bilang coffee capital ay magbibigay pa ng mas maraming benepisyo sa sektor. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here