MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa kulang na datos na una nitong isinumite sa Senate Committee on Finance kaugnay ng paggamit ng revised Construction Materials Price Data (CMPD).
Ang CMPD ay ang updated na batayan sa pagtantiya ng gastos ng mga materyales sa mga proyekto ng pamahalaan.
Ayon sa DPWH, inamin nilang nagkulang sila dahil Regional Adjustment Factors lamang ang kanilang naibigay, na hindi sapat upang matukoy ng Senado ang eksaktong adjustments para sa halos 10,000 proyektong maaapektuhan.
Nasuspinde ang pulong ng bicameral conference committee noong Lunes dahil sa hindi pagkakasundo sa P45-bilyong bawas sa badyet ng DPWH.
Iginiit ng mga senador ang budget cut, habang sinabi naman ng mga miyembro ng Kamara at ni Public Works Secretary Vince Dizon na maaaring hindi maipatupad o maantala ang humigit-kumulang 10,000 proyekto dahil sa bawas na pondo.
Bilang tugon, sinabi ng DPWH na nagsumite na sila ng karagdagang datos batay sa uri ng proyekto, na isinasaalang-alang ang mahahalagang salik tulad ng layo ng biyahe ng mga materyales at lokal na galaw ng merkado.
Layunin nito na magbigay ng mas makatotohanan at mas maayos na batayan ng pondo.
Tiniyak ng DPWH na nananatili silang bukas at tapat sa proseso at sisikaping matiyak na ang lahat ng pagbabago ay may teknikal na katumpakan at praktikal na kakayahang ipatupad. RNT/MND