ILOILO CITY, Philippines – Humihiling si Iloilo City Lone District Rep. Julienne Baronda ng agarang at malawakang imbestigasyon kaugnay ng pag-iisyu ng mga titulo ng lupa sa isang bakawan (mangrove area) sa tatlong barangay sa Iloilo City.
Sa kanyang privilege speech sa Kamara noong Lunes ng gabi, sinabi ni Baronda na may tatlong homestead patent na inilabas para sa mga lupang bahagi ng Iloilo Flood Control Project, isang 50-ektaryang baybayin sa mga Barangay Balabago, Bito-on, at Hinactacan.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang mga bakawan ay mahalaga sa proteksyon laban sa baha at hindi maaaring ituring na dekorasyon o opsyonal lamang.
Aniya, matagal nang pinondohan at inalagaan ng pamahalaan ang mga bakawang ito.
Saklaw ng mga titulo ang Lot 1 (OCT No. 202400006) – 70,000 square meters, Lot 2 (OCT No. 202400008) – 220,000 square meters, at Lot 3 (OCT No. 202400007) – 210,000 square meters.
Ang mga patent ay inilabas noong Abril 25, 2024. Ayon kay Baronda, ang kabuuang lawak ng mga lupang ito ay katumbas ng 70 football fields, at itinuring umanong agricultural land batay sa sertipikasyon ng City Assessor’s Office.
Iginiit niya na labag sa batas ang isyung ito dahil ang mga bakawan ay itinuturing na forest land, na hindi maaaring ipamigay o lagyan ng titulo.
Ayon sa batas, ang homestead patents ay para lamang sa lupang agrikultural na may tuloy-tuloy at malinaw na pagsasaka, na hindi umano posible sa mga bakawan.
Nilinaw ni Baronda na hindi siya laban sa kaunlaran, ngunit aniya, ang kaunlarang naglalagay sa panganib ng buhay ng tao ay kawalang-ingat.
Bukod sa imbestigasyon, hiniling din niya ang kumpletong dokumentasyon, kabilang ang land classification maps, reclassification orders, survey plans, inspection reports, at iba pang papeles na naging basehan ng pag-isyu ng mga titulo.
Nanawagan din siya ng moratorium sa lahat ng pribadong aktibidad sa mga lugar na pinagtatalunan at isang citywide audit ng lahat ng titled properties sa kahabaan ng Iloilo Strait.
Binalaan ni Baronda na kung nangyari ito sa ilang barangay ng Iloilo, maaaring mangyari rin ito sa iba pang lugar sa bansa, at posibleng hindi ito isang isolated case kundi isang sistemikong problema. RNT/MND