MANILA, Philippines – Nilinaw ng inDrive sa isang pahayag nitong Martes na sinusunod nito ang standard fare structure ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Saad nito na ang dating sistema kung saan maaaring makipag-counteroffer ang pasahero at driver ay tinanggal noong 2024 upang sumunod sa fare matrix regulations ng LTFRB na binubuo ng base fare, per-kilometer at per-minute fees, pati na rin ang surge pricing sa mga oras ng mataas na demand.
Ayon sa kumpanya, nananatiling competitive ang presyo ng fare dahil sa mas mababang commission fee para sa drivers na 10%, kumpara sa karaniwang 20% sa industriya.
Iginiit ng inDrive na ang platform ay pro-passenger at pro-driver, may transparent fares, at sumusunod sa regulasyon ng LTFRB.
Pinalalawak din nila ang driver fleet para sa holiday season upang mas marami ang makasakay nang ligtas at maayos.
Ang ginawang pahayag ay naglalayong linawin ang anumang kalituhan at agam-agam tungkol sa operasyon ng inDrive sa Pilipinas. RNT/MND