QUEZON CITY, Philippines – Nangako ang Philippine National Police (PNP) na gagawin ang lahat ng paraan upang malutas ang misteryo ng pagkawala ni Sherra De Juan, 30, ilang araw bago ang kanyang kasal.
Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., inatasan na niya ang Special Investigation Team (SIT) ng Quezon City Police District (QCPD) na beripikahin ang lahat ng impormasyon mula nang ma-report ang insidente.
Ayon sa ulat, nagtext si De Juan sa kanyang fiancé na si Mark Arjay Reyes noong December 10 na pupunta siya sa Fairview Center Mall para bumili ng sapatos pangkasal, ngunit hindi na siya nakauwi.
Iniwan niya ang kanyang cellphone sa bahay habang nagcha-charge, at ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya para sa forensic analysis.
Sinabi ni Nartatez na nirebyu na ng mga imbestigador ang CCTV footage, data ng cellphone, at mga testimonya ng saksi.
Patuloy rin ang koordinasyon sa iba pang police units at partner agencies para pabilisin ang imbestigasyon.
“Sinusuri namin ang lahat ng posibleng dahilan, kabilang ang foul play o iba pang pangyayari sa kanyang pagkawala,” sabi ni Nartatez.
Nanawagan din siya sa publiko na tumulong, at tiniyak na ang lahat ng impormasyon ay mananatiling kumpidensyal.
Nag-alok ang fiancé ni De Juan ng P20,000 na reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na makakatulong sa paghahanap sa kanya. RNT/MND