MANILA, Philippines – Muling nakauwi sa kanyang mga magulang na street dwellers ang isang taong gulang na batang babae na dinukot noong Disyembre 10 sa Quezon City.
Narekober ang bata sa Navotas City matapos iniwan ng 20-taong-gulang na suspek sa isang convenience store sa Caloocan City.
Ayon sa pulisya, dinala ng suspek ang bata hanggang Caloocan at iniwan sa isang babae, na sinabihan na magbabanyo lang siya.
Pansamantalang inalagaan ng isang mag-asawa ang bata, pinakain at binigyan ng damit at maayos na tulugan.
Naaresto na ang suspek at kinasuhan dahil ginamit ang bata sa paghingi ng limos.
“Sobrang saya ko kasi nakita po namin ‘yung anak ko tapos ligtas po. ‘Yun lang naman ang pinapanalangin namin araw-araw,” ani Melvin, ama ng bata, na nagdagdag na maninirahan sila sa mga kamag-anak sa Caloocan upang hindi na mabalik sa kalsada.
Pinayuhan ni Police Lt. Col. Michael John Villanueva ang mga magulang na huwag iwan ang kanilang maliliit na anak sa mga hindi kilala.
“Sa mga magulang, lalo na po kung may mga anak kayo na maliliit pa po, huwag niyo pong ipaubaya sa ibang tao ‘yung anak niyo po lalo na kung bago niyo pa lang nakilalala.” Santi Celario