Manila, Philippines — Hindi pinalampas ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang supplier na nag-cater ng sirang pagkain sa isang event na dinaluhan ng mga guro kamakailan.
Nasa ilalim na ngayon ng blacklist proceedings ang supplier sa event nitong December 12.
Muling humingi ng dispensa ang alkalde sa mga guro.
“Muli, ako’y humihingi ng sorry sa ‘bad food’ na idineliver sa inyo sa ating General Assembly,” wika ni Vico.
Tinukoy ang supplier bilang Yellow Bumblebee Corporation.
Aniya, magsilbi daw sanang paalala ang hakbang na ipa-blacklist ito sa lahat ng local government contractors na hindi sila ligtas kahit nanalo pa sila sa bidding kung ganoon naman ang kanilang food delivery service.
Sa kabila ng pangyayari, umaasa si Vico na ang mga school division officers at teachers na dumalo sa event ay nag-enjoy sa naturang pagtitipon.
Pinasalamatan niya ang mga ito sa kanilang pang-unawa.
Wala namang naitalang food poisoning sa nasabing teachers’ gathering.