Home NATIONWIDE Hospital claims pinalawig ng 120 araw sa gitna ng PhilHealth payment issues

Hospital claims pinalawig ng 120 araw sa gitna ng PhilHealth payment issues

254
0

MANILA, Philippines – Iniatas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig ng filing period para sa hospital reimbursement claims ng hanggang 120 araw.

Isang hakbang ito na naglalayong pagaanin ang pagkakaantala sa PhilHealth payments at tulungan ang health facilities na maka-recover mula sa ‘denied claims.’

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang na ang desisyon ay nangyari matapos talakayin ito kasama ang Department of Health (DOH) at PhilHealth, kasunod ng ulat na mahigit sa P1 bilyong halaga ng return-to-hospital (RTH) claims at iba pang reimbursements na hindi madaling bayaran.

Ani Castro, ang extended period, tinawag na “claims flexibility,” ay nagbibigay sa mga ospital ng mas maraming oras para kompletuhin at magsumite ng required documents.

“Pinag-utos din po ng Pangulo na i-extend ang maaaring period para makapag-claim ang ibang ospital… na-extend po ito up to 120 days,” ani Castro.

Idinagdag pa niya na ang adjustment ay nangangahulugang tiyakin na ang PhilHealth at DOH ay matutupad ang kanilang obligasyon, at binigyan ng pagkakataon ang mga ospital na mag-comply kasama ang documentation requirements.

Sinabi rin ni Castro na ayon sa paliwanag ng DOH, maraming claims ang na-deny o naibalik dahil nabigo ang mga ospital na magsumite ng kompletong dokumento sa loob ng prescribed period.

“Ayon po sa DOH, mayroon po kasing date na dapat maibigay ang claims ng mga ospital… at karamihan po sa ibang mga ospital ay hindi po agad nakakapagbigay ng kanilang mga dokumento,” ani Castro.

“Basta po ang nais lang din po natin, ang mga ospital po ay makapagbigay ng kanilang mga dokumento sa tamang oras at panahon,” dagdag niya.

Samantala, inatasan na rin ng Malacañang ang DOH na tugunan ang record-keeping issues, kasunod ng ulat ng denied claims at imbentaryo ng mga expired medicines.

“Ang sinabi po diyan ay ayusin ang kanilang mga records at nakausap po natin mismo ang pamunuan ng DOH,” ani Castro.

Aniya, nagsumite na ngayon ang DOH ng kinakailangang mga dokumento para lutasin ang mga usapin. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here