Manila, Philippines — Sa kabila ng pagiging naka-confine sa ospital dahil sa isang hindi isiniwalat na karamdaman, dumalo sa pamamagitan ng virtual si Senator JV Ejercito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y iregularidad sa Letters of Authority (LOA) ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong Huwebes, Disyembre 11, 2025.
Sa naturang pagdinig, inilahad ni Ejercito ang mga reklamong natanggap ng kanyang tanggapan kaugnay ng sinasabing modus sa paggamit ng LOAs at umano’y pinalobong tax assessments.
Samantala, nananatiling nakabinbin ang isang ethics complaint laban kay Senator Francis “Chiz” Escudero na inihain pa noong Oktubre 2025 at kasalukuyang nasa ilalim ng Senate Committee on Ethics, na pinamumunuan din ni Ejercito.
Ayon kay Atty. Marvin B. Aceron, pangunahing nagreklamo, wala pa ring naitalagang case number sa reklamo makalipas ang mahigit 70 araw mula nang ito ay maisumite.
“The ethics complaint against then Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero filed in October 2025 with 347 citizen-signatories remains without a case number under Senator JV’s watch,” pahayag ni Aceron.
“The Chair of the Ethics Committee found time to attend a week-old investigation’s hearing in spite of his confinement.”
Noong Oktubre 2, naghain si Aceron ng beripikadong ethics complaint laban kay Escudero na naglalaman ng mga alegasyong may kaugnayan sa campaign donations at government contracts, base sa mga dokumentong isinumite sa Senado. Ang reklamo ay sinundan ng isang omnibus motion at bukas na liham na nilagdaan ng 347 mamamayan.
Noong Nobyembre 6, nakatanggap si Aceron ng opisyal na liham mula kay Ejercito na kumikilala sa pagtanggap ng reklamo at nagpapaliwanag na may tatlo pang naunang ethics complaints na nakabinbin sa komite.
“The Committee intends to deliberate on the four pending complaints filed against individual senators in the order they were received, following a ‘first in, first out’ approach,” ayon sa liham ni Ejercito.
“As the Chairperson, I am committed to carrying out our mandate with integrity, impartiality and full respect for due process.”
Gayunman, sinabi ni Aceron na hanggang Disyembre 16 ay wala pa ring case number na inilalabas ang Ethics Committee, dahilan upang magsumite siya ng mosyon noong Disyembre 9 na humihiling ng agarang docketing ng reklamo at malinaw na timeline ng aksyon.
“We are not demanding judgment. We are not forcing a ruling,” diin ni Aceron.
“We simply ask the Senate to assign a case number, acknowledge the complaint, and let the process function.”
Dagdag pa niya, nauunawaan nila ang kalagayan ng kalusugan ng senador ngunit umaasa silang uusad ang proseso kapag muling naging operasyonal ang komite.
“When he is ready—and when the Committee is able—we ask: assign a case number, acknowledge the complaint and let the process function,” ani Aceron.
“Doing so would be one of the best Christmas gifts to the Filipino people.”
Sa ngayon, wala pang hiwalay na pahayag ang Senate Committee on Ethics hinggil sa iskedyul ng pagtalakay sa nasabing reklamo. RNT