MANILA, Philippines – Nagdesisyon ang bicameral conference committee na ibalik sa P889 milyon ang alokasyon para sa Office of the Vice President (OVP) sa 2026 budget na orihinal na itinakda ng Malakanyang.
Sa committee meeting, sinabi ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing, chair ng House committee on appropriations, na inilagay sa bersyon ng Kamara ng General Appropriations Bill (GAB) ang badyet ng OVP sa P733.1 milyon o kapareho ng nakuha ngayong taon.
Sa kabila nito, ayon sa counterpart ni Suansing na si Senate finance committee chair Sen. Sherwin Gatchalian, ipinanukala ng Mataas na Kapulungan ang badyet ng OVP sa P889.2 milyon na kalaunan ay tinanggap ng komite.
Bago ang kasunduan nitong Martes, sumailalim sa mahabang deliberasyon ang alokasyon ng OVP para sa 2026 lalo na sa Kamara kung saan hiniling ng ilang mambabatas na ibaba ang pondo nito dahil sa hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa dalawang pagdinig.
Binigyan siya ng isa pang pagkakataon at nagpakita noong Setyembre 16 kung saan sinunod ng mga miyembro ng mayorya at minorya ang tradisyon ng parliamentary courtesy at hindi na tinanong ng kahit ano patungkol sa budget sa committee level.
Sa kabila nito, hindi na naman nagpakita si Duterte sa plenary debate dahilan para itulad na lamang ang badyet sa susunod na taon sa naging alokasyon sa OVP ngayong 2025. RNT/JGC