MANILA, Philippines – Nakatanggap ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng malaking pagtataas sa badyet nito para sa 2026 matapos na aprubahan ng mga miyembro ng bicameral conference committee ang P16.5 bilyong halaga ng adjustment sa pondo nito.
Sa bicam meeting nitong Huwebes, Disyembre 18, kinumpirma ni Sen. Sherwin Gatchalian na nagkaroon ng budget adjustment sa PhilHealth.
Partikular niyang tinukoy ang pagdagdag ng P16.5 bilyon sa pondo nito na layong punan ang kakulangan sa appropriated earmarked revenues para sa PhilHealth mula sa syntaxes.
Naunang inaprubahan ng bicam panel ang badyet na P103.2 bilyon para sa PhilHealth ngunit dahil sa dagdag ay naging P129.7 bilyon na ito.
“The funding source for this will be the generated savings from the updated revised CMPD Factor in the [Department of Public Works and Highways],” ani Gatchalian.
Nauna nang ipinaliwanag ni Gatchalian na sa ilalim ng 2026 budget, ang target na alokasyon para sa PhilHealth ay P53.2 bilyon lamang na aniya ay kulang.
Ito ang dahilan kung bakit ang P16.5 bilyon mula sa P20.7 bilyon na tinapyas sa badyet ng DPWH ay inilipat sa PhilHealth para makumpleto ang mahigit P69 bilyong pondo na dapat ibigay sa ahensya.
Samantala, ang nalalabing P4.2 bilyon mula sa tinapyas na pondo ng DPWH ay mapupunta sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund na gagamitin naman bilang tulong sa mga maaapektuhan ng mga bagyo at lindol. RNT/JGC