Home NATIONWIDE Aksyon ‘di bakasyon: Malakanyang nagpaalala sa mga opisyal na tumutok sa tungkulin,...

Aksyon ‘di bakasyon: Malakanyang nagpaalala sa mga opisyal na tumutok sa tungkulin, ‘wag puro biyahe

282
0

MANILA, Philippines – BINIGYANG DIIN ng Malakanyang na dapat na nakatutok ang mga public officials lalo na ang mga mambabatas sa kanilang tungkulin at responsibilidad para makatulong sa pagsusulong ng national development.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang progreso ng bansa ay depende sa ‘collective effort’ ng lahat ng sektor.

“Para umunlad ang bansa, magtrabaho tayong lahat. Ang mga mambabatas ay obligadong gumawa ng magagandang batas para sa bayan at mamamayan,” ayon kay Castro.

Ang pahayag na ito ni Castro ay matapos na humingi ng pahintulot si Davao City First District Representative Paolo Duterte upang makabiyahe sa 17 na bansa mula Disyembre 15, 2025 hanggang Pebrero 20, 2026.

Sa liham na may petsang Disyembre 1, 2025 na ipinadala sa Speaker ng Kamara na si Faustino Dy III, sinabi ni Duterte na nakatakda siyang bumisita sa mga sumusunod na bansa: Hong Kong, China, Malaysia, Indonesia, South Korea, Japan, Vietnam, Cambodia, United States, Australia, United Kingdom, Netherlands, Germany, France, Belgium, Italy, at Singapore.

Ayon pa sa mambabatas, titiyakin niyang ang lahat ng gastusin sa naturang biyahe ay magmumula sa kanyang sariling bulsa at hindi gagastos ng anumang pondo ng pamahalaan.

Binigyang-diin ng Kamara na karaniwan ang ganitong proseso sa mga kongresista na nais bumiyahe sa ibang bansa, lalo na kapag saklaw ng travel period ang mga petsang posibleng may sesyon. Hanggang sa ngayon, inaantabayanan pa ang pinal na desisyon ng Office of the Speaker hinggil sa kahilingan ng kongresista.

Sinabi naman ni Castro na ang public servants na mas prayoridad ang madalaas na bakasyon at overseas trips ay bigong ganap na maintindihan ang usapin na kinahaharap ng bansa.

Nais din ng mga public servants na ito na iwasan ang alegasyon ng korapsyon na ikinakabit sa kanila.

“Kapag puro bakasyon at world tour ang gagawin ng isang public servant, wala talaga siyang maiintindihan at wala siyang gagawin kundi iwasan ang isyu ng korapsyon na kinakaharap niya,” ayon kay Castro. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here