Manila, Philippines — Kinumpirma ng abogado ng detenidong si Ramil Madriaga na ilang beses umanong dinalaw ni Vice President Sara Duterte ang kanyang kliyente habang ito ay nakakulong sa Manila Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Annex 2 sa Bicutan, Taguig.
Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Atty. Raymond Palad na base sa salaysay ng kanyang kliyente, dalawang beses umanong nagtungo ang bise presidente sa pasilidad.
> “Ayon po mismo kay Mr. Madriaga, dalawang beses umanong nagpunta si Vice President Sara Duterte sa kanyang detention cell,” pahayag ni Palad.
Ayon sa abogado, sa unang pagdalaw ay iminungkahi umano ng bise presidente na pag-usapan na lamang ang problemang kinakaharap ni Madriaga at binanggit umano ang posibilidad na makipag-usap sa hukom na humahawak ng kaso.
“Sinabi umano ng bise presidente na pag-usapan na lang ang problema at babalikan daw ang usapin sa korte,” ayon kay Palad, sabay-diin na ito ay batay lamang sa kuwento ng kanyang kliyente.
Gayunman, ayon sa abogado, hindi umano pumayag si Madriaga sa naturang mungkahi dahil mayroon na umano itong mga tumutulong sa kanyang kaso.
Isiniwalat din ni Palad na may isa pang pagbisita umanong naganap noong Oktubre 19, 2025, bandang hatinggabi, subalit ayon sa kanilang impormasyon ay hindi na umano bumaba ang bise presidente upang personal na makipag-usap sa detenido.
Ayon pa sa abogado, matagal na umanong nais magsalita ni Madriaga hinggil sa kanyang mga sinasabing nalalaman, kabilang ang umano’y liham na ipinadala nito kay Senadora Risa Hontiveros noong Marso 2024 at sa Quad Committee, ngunit aniya ay hindi umano ito nabigyan ng pagkakataon.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Palad na nagsumite na sila ng liham sa National Bureau of Investigation (NBI) upang humiling ng forensic analysis sa mga cellphone ni Madriaga.
“Humiling na po kami ng forensic examination sa mga cellphone ng aking kliyente upang mapatunayan o mapabulaanan ang kanyang mga sinasabi,” ani Palad.
Idinagdag ng abogado na iginiit nilang walang katotohanan ang kasong kidnapping na isinampa laban kay Madriaga at na ito umano ay may kaugnayan sa pagtulong ng kanyang kliyente sa mga magsasakang may reklamo sa Mariveles, Bataan.
“Naniniwala po kami na gawa-gawa ang kasong ito at may kaugnayan sa kanyang pakikialam sa isyu ng mga magsasaka,” ayon kay Palad.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag sina Vice President Duterte, ang BJMP, o iba pang mga personalidad na binanggit sa ulat hinggil sa mga alegasyong ito.
Samantala, patuloy umanong tumutulong ang grupong United Pilipino Against Crime and Corruption (UPACC), sa pangunguna ni Pyra Lucas, sa pagsisikap na maresolba ang isyu ng mga magsasaka sa Mariveles, Bataan. RNT