Home TOP STORIES Abogado ni Atong Ang, tinawag na “walang-ingat at mapanganib” ang pahayag ni...

Abogado ni Atong Ang, tinawag na “walang-ingat at mapanganib” ang pahayag ni Remulla

270
0

MANILA, Philippines – Mariing binatikos ng abogado ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang ang naging pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla kaugnay ng umano’y nalalapit na pag-aresto sa kanyang kliyente sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sinabi ni Atty. Gabriel Villareal, ang mga pahayag ni Remulla ay “walang-ingat” at “iresponsable,” at maituturing umanong isang publicity stunt. Binigyang-diin niya na ang ganitong mga pahayag, lalo na mula sa isang miyembro ng Gabinete at itinuturing na alter ego ng Pangulo, ay maaaring maglagay sa panganib sa buhay ni Ang.

Kaugnay nito partikular na tinutulan ni Villareal ang pahayag ni Remulla na inilathala sa isang ulat-balita kung saan sinabi nitong si Ang ay “armado at mapanganib,” at dahil dito ay magiging iba umano ang paraan ng kanyang pag-aresto.

Ayon sa abogado, ang naturang pahayag ay maituturing na parang pagbibigay ng pahintulot sa isang “shoot-on-sight” o “shoot-to-kill” na hakbang laban kay Ang, kahit pa wala pang inilalabas na warrant of arrest ang alinmang hukuman.

“Hindi katanggap-tanggap ang ganitong pahayag, maliban na lamang kung layunin nitong impluwensiyahan o pilitin ang mga korte na umayon sa plano ng gobyerno laban sa aking kliyente,” ani Villareal.

Magugunitang noong nakaraang linggo ay inirekomenda ng Department of Justice ang pagsasampa ng kaso laban kay Ang at 21 pulis kaugnay ng mga kasong homicide, kidnapping, at illegal detention na may kaugnayan sa pagkawala ng ilang sabungero.

Giit ni Villareal, nanatili sa bansa si Ang at patuloy na nakikipagtulungan sa mga awtoridad mula nang magsimula ang imbestigasyon.

Sinabi pa ni Villareal na ang mga pahayag ni Remulla, kasama ang mga naunang aksyon ng mga imbestigador at tagausig ng estado, ay nagpapakita na tila nahusgahan na si Ang bago pa man dumaan sa wastong proseso ng batas.

“Kung may masamang mangyari kay G. Ang, pananagutan ito ng mga gumawa ng ganitong pahayag. Para itong pagbabalik ng madilim na kabanata ng ‘tokhang’,”  sabi pa sa pahayag  ni Villareal.  (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here