MANILA, Philippines – Natapos na ng Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes, Disyembre 19, ang preliminary investigation sa ₱7.1 bilyong tax evasion charges na inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa mag-asawang contractor na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony D. Fadullon, ilalabas sa susunod na linggo ang desisyon kung ibabasura ang reklamo o isasampa ang mga kaso sa korte.
Sa huling pagdinig noong Biyernes, personal na humarap si Sarah Discaya sa panel ng mga piskal upang isumite ang kanyang rejoinder, o sagot sa mga alegasyon. Kinailangan niyang manumpa sa harap ng mga piskal na humahawak ng kaso. Noong Nobyembre 21, nagsumite na ang mag-asawa ng kanilang counter-affidavits at itinanggi ang mga paratang.
Si Sarah ay kasalukuyang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos siyang arestuhin batay sa utos ng Lapu-Lapu City Regional Trial Court kaugnay ng kasong malversation ng pondo ng bayan, isang hindi pyansableng kaso, at graft. Siya at ilang opisyal ng DPWH sa Davao Occidental ay sinampahan ng kaso ng Office of the Ombudsman dahil sa ₱96.5 milyong “ghost” infrastructure project noong 2022.
Samantala, si Curlee Discaya ay nakadetine sa Senado dahil sa contempt citation.
Ayon sa BIR, ang mga reklamo sa tax evasion ay may kinalaman sa naipong buwis na ₱7,182,172,532.25 ng mag-asawa mula 2018 hanggang 2021.
Ang unang set ng kaso ay dahil sa umano’y hindi pagbabayad ng individual income tax mula 2018 hanggang 2021.
Ang ikalawang set ay may kaugnayan sa kanilang pag-alis ng puhunan (divestment) sa ilang kumpanya tulad ng St. Gerrard, St. Timothy, St. Matthew, at Alpha and Omega.
Ang ikatlong set ay tumutukoy sa kabiguang maghain ng excise tax returns at magbayad ng buwis para sa siyam na luxury vehicles na nakapangalan sa mag-asawa at sa St. Gerrard.
Hinihintay na ngayon ang pinal na desisyon ng DOJ kung tuluyang isasampa sa korte ang mga kasong ito. RNT/MND