Home HOME BANNER STORY Pamilya ni Cabral pumayag na sa autopsy; mga mambabatas nanawagan ng masusing...

Pamilya ni Cabral pumayag na sa autopsy; mga mambabatas nanawagan ng masusing imbestigasyon

298
0

MANILA, Philippines – Pumayag na ang pamilya ng dating Public Works Secretary na si Maria Catalina “Cathy” Cabral na sumailalim sa autopsy ang kanyang mga labi, ayon sa Cordillera police.

Ilang mambabatas, kasama na si Mamamayang Liberal Party-List Rep. Leila De Lima, ay nanawagan ng autopsy dahil may hinala na posibleng foul play sa pagkamatay ni Cabral.

Sa isang Facebook post, sinabi ni De Lima na mahalaga ang autopsy at DNA test sa mga kasong pinaghihinalaang suspicious death. Dagdag pa niya, ang pagtanggap ng pamilya na aksidente ang pagkamatay ni Cabral ay maaaring magdulot ng haka-haka na baka hindi siya ang nasa labi at sangkot ang driver at pamilya sa umano’y staged suicide.

Namatay si Cabral noong Huwebes ng gabi matapos umano mahulog sa isang bangin sa Kennon Road, Tuba, Benguet. Nangyari ito habang iniimbestigahan siya sa anomalya sa flood control projects, kung saan pinaghihinalaang siya ang namamahagi ng “allocables” sa mga mambabatas.

Maraming mambabatas ang nagduda sa umano’y “suicide” at nanawagan ng masusing imbestigasyon upang matiyak na hindi foul play ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Gayunpaman, iginiit ng pamilya ni Cabral na hindi na kailangan ng autopsy dahil wala silang nakikitang kakaiba sa labi niya. Mas gusto rin nila na makasama si Cabral ngayong Pasko.

Si De Lima ay nagtanong din kung bakit tila hindi maayos ang paghawak ng PNP sa mga gamit ni Cabral, sa kabila ng utos ng Office of the Ombudsman na ingatan ang kanyang gadgets at dokumento dahil mahalaga ang mga ito sa imbestigasyon ng anomalya sa flood control projects.

Aniya, tila hindi tinatrato ng PNP ang pagkamatay ni Cabral bilang suspicious death ng isang kilalang personalidad, kundi ordinaryong pagkamatay lang na nakadepende sa kagustuhan ng pamilya sa gamit at katawan niya.

Binigyang-diin ni De Lima na maaaring mawala ang ilang ebidensya at impormasyon tungkol sa anomalya kung hindi maayos ang paghahanap at pangangalaga ng ebidensya.

“Hindi pwedeng sa pagkamatay niya ay mailibing na rin ang mga katibayan, lalo na ang buong katotohanan, sa malawakang katiwalian at pandarambong sa kaban ng bayan,” ayon kay De Lima. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here