MANILA, Philippines – Aabot sa 9,489 cubic meters ng mga drainage at waterway sa Metro Manila ang nalinis ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamamagitan ng declogging at desilting operations.
Ayon sa DPWH, bahagi ito ng ipinatutupad na “Oplan Kontra Baha” alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maiwasan ang pagbaha at matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Batay sa ulat ng ahensya hanggang ikatlong linggo ng Disyembre, mahigit 2,531 cubic meters ng drainage systems o katumbas ng 58.4 porsiyento ng target ang matagumpay nang nadeclog.
Samantala, umabot naman sa 6,958 cubic meters ng mga waterway ang sumailalim sa desilting sa iba’t ibang bahagi ng National Capital Region.
Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang paglilinis ng mga estero, dredging at hauling ng mga latak, clearing ng drainage inlets at laterals, manwal na declogging ng drainage lines, at desilting ng mga daluyan ng tubig upang matiyak ang maayos na agos sa mga pangunahing kalsada ng Metro Manila.
Tiniyak ng DPWH na patuloy ang koordinasyon nito sa mga District at Regional Offices sa ilalim ng Oplan Kontra Baha upang mas palakasin ang flood prevention measures at mapanatiling ligtas at maayos ang mga komunidad. RNT/JGC