MANILA, Philippines – Malugod na tinanggap ng ilang mambabatas sa House of Representatives ang pagkakatalaga kay dating Philippine National Police chief Nicolas Torre III bilang bagong general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kina Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V ng La Union, Deputy Speaker Jefferson “Jay” Khonghun ng Zambales, Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio Jr. ng Maynila, Rep. Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez ng 1-RIDER Party-list, at Rep. Ziaur-Rahman “Zia” Alonto Adiong ng Lanao del Sur, na kilala bilang House “Young Guns”, tama ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paghirang kay Torre.
Sa isang joint statement, sinabi ng grupo na “excellent choice” ang pagtalaga kay Torre bilang pinuno ng MMDA dahil sa kanyang napatunayang liderato, disiplina, at malawak na karanasan sa public safety at malalaking operasyon.
Dagdag pa ng mga mambabatas, ang kakayahan ni Torre ay mahalaga sa pagtugon sa mga pangunahing problema ng Metro Manila, kabilang ang matinding traffic congestion at urban planning.
Itinalaga si Torre bilang kapalit ni outgoing MMDA General Manager Procopio Lipana.
Binigyang-diin pa ng Young Guns na kilala si Torre bilang isang matatag at episyenteng lider na may matibay na paninindigan sa serbisyo publiko.
Ipinahayag din ng mga mambabatas ang kanilang kumpiyansa na sa ilalim ng pamumuno ni Torre, makapagpapatupad ang MMDA ng mas epektibo at makabagong solusyon upang maibsan ang araw-araw na suliranin ng milyun-milyong residente at commuter sa Metro Manila.
Nangako rin ang grupo ng buong suporta kay Torre at sinabing handa silang makipagtulungan sa MMDA sa mga mahahalagang panukalang batas para sa pagpapabuti ng metropolitan governance at pagpapaunlad ng imprastraktura.
Nagpasalamat din ang mga mambabatas kay Lipana sa kanyang naging serbisyo at kontribusyon sa MMDA. RNT/JGC