MANILA, Philippines – Ikinatuwa ng isang grupo ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpatupad ng compensatory adjustment sa pick-up fares ng Transport Network Vehicle Services (TNVS) simula ngayong Sabado, na makatutulong sa mga driver sa panahon ng holiday rush.
Ayon sa LTFRB, pinayagan na ang TNVS na singilin ang mga pasahero batay sa distansya mula sa pickup point, ngunit limitado lamang sa limang kilometro ang radius.
Magkakaiba rin ang pick-up fare depende sa uri ng sasakyan kung subcompact, cars, o SUVs.
Nagpasalamat ang TNVS Community Philippines (TCP) sa LTFRB sa pakikinig sa kanilang hinaing, ngunit sinabi ng grupo na hindi pa dito nagtatapos ang kanilang pakikipagdayalogo.
“Isinusulong na natin noon pa man ang pagkakaroon ng compensatory adjustment sa pick-up fares,” pahayag ng TCP.
“Ito ay upang mabalanse ang gastusin ng TNVS drivers at hindi sila malugi sa gitna ng pagbawas sa surge cap at makapagpatuloy sila sa pagseserbisyo sa ating mga komyuters, lalo na ngayong Kapaskuhan.”
Ayon sa grupo, patuloy pa rin ang mga hamon na kakaharapin ng mga TNVS driver kahit matapos ang holiday season dahil sa pagpapatupad ng cap sa surge pricing.
Dahil dito, mananatiling nakatutok ang TCP sa mga pagbabago at pagpapatupad ng patas na kita at propesyonal na pamantayan sa industriya.
“Hindi maaring basta na lamang bawasan ang surge – lalo na sa holiday rush kung saan malala ang traffic na nagpapahaba ang biyahe ng bawat booking,” dagdag pa ng TCP.
“Pagkatapos ng Kapaskuhan, haharapin pa rin natin ang hamon ng inflation at tumataas na operational costs sa pamamasada.”
Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza, ipinapakita ng operational data na madalas gumugugol ng mahabang oras ang TNVS drivers mula sa pagtanggap ng booking hanggang sa pickup point ng pasahero.
Aniya, ang hakbang na ito ay “acceptable and justified solution” upang mabalanse ang epekto ng 50 porsiyentong pagbawas sa surge pricing sa komunidad ng TNVS. RNT/JGC