BULACAN , Philippines – Arestado ang 26 anyos na lalaking tattoo artist matapos manaksak sa gitna ng kanilang inuman sa bayan ng Pandi nitong gabi ng Disyembre 20.
Sa ulat ni PLTCOL Sean Logronio. hepe ng Pandi police station, kinilala ang suspek na si alyas “Jaypee”, 26, residente ng Brgy. Mapulang Lupa habang ang biktima ay si alyas Ruben.
Ayon sa ulat ng istasyon, naganap ang insidente bandang 9:00 ng gabi sa nasabing lugar.
Batay sa imbestigasyon, nag-ugat ang insidente nang sawayin ng isang empleyado ni alyas “Ruben” ang grupo ng tattoo artist na maingay habang nag-iinuman.
Nabatid na nagalit ang tattoo artist habang nakikipagtagayan sa kanyang mga kasamahan kaya sinaktan niya ang empleyadong sumuway sa kanila.
Dahil dito, mamagitan si alyas Ruben upang pakalmahin ang sitwasyon subalit bumunot ang suspek at sinaksak ito sa kaliwang bahagi ng likod na agad dinala sa ospital para sa kaukulang medikal na atensyon.
Nang makarating sa pulisya ang nangyari ay nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide. (Dick Mirasol III)