Home METRO Binata, patay sa saksak matapos ang prusisyon ng Nazareno sa Caloocan

Binata, patay sa saksak matapos ang prusisyon ng Nazareno sa Caloocan

305
0

CALOOCAN CITY, Philippines – Patay ang isang 18-anyos na binata na katatapos lang pumasan sa prusisyon ng imahe ng Mahal na Poong Nazareno nang pagsasaksakin ng kapwa dalawang teenager, napaulat sa Caloocan City.

Alas-10:39 ng gabi nang masawi ang biktimang nakilala sa alyas na “RJ”, habang ginagamot sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong tama ng saksak sa likod at tagiliran.

Alas-3:00 Sabado ng hapon nang maaresto ang isa sa dalawang salarin na si alyas “Romel”, 18, residente ng Libis Ortega St. Brgy. 20, na positibong kinilala ng 16-anyos na testigo sa harap ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth habang tinutugis pa ang kanyang kasabuwat na si alyas “Geofrey” 18, ng Libis Ortega Street.

Sa imbestigasyon ni P/MSG Marvin Doctor ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Caloocan police, katatapos lang pumasan ng bikima sa prusisyon ng imahe ng Nazareno sa kahabaan ng C-3 Road nang umangkas sa likod ng e-bike ng testigo na kanyang kaibigan Biyernes ng alas-8 ng gabi pauwi sa kanilang tirahan.

Pagsapit sa kanto ng Talakitok St. at C-3 Road. Brgy. 22, naispatan umano ng mga nakatambay na suspek sa lugar ang biktima na umano’y miyembro ng kanilang kalabang gang kaya’t hinarang nila at pinagtulungang pagsasaksakin.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman ang biktima ng kanyang kaibigan sa nasabing pagamutan subalit, hindi na rin ito nailigtas. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here