ILOILO CITY, Philippines – Nilinaw ng Philippine Army’s 3rd Infantry Division (3ID) na hindi ito susunod sa idineklarang unilateral ceasefire ng communist terrorist group (CTG) o ng anumang armadong grupo.
Sa isang media conference noong Lunes ng hapon, sinabi ni 3ID Public Affairs Office chief Capt. Jessie Jun Ebalan na tuloy-tuloy ang operasyon ng militar at naka-heightened alert ang kanilang hanay ngayong holiday season.
“We are on a heightened alert at this time. We do not consider their declaration and any pronouncements. The 3rd Infantry Division will continue with our operations to protect our communities, especially those in the far-flung barangays, even in urban and rural areas,” ani Ebalan.
Ayon pa sa opisyal, may mga nauna nang ceasefire declaration ang CTG ngunit sila rin mismo ang lumabag dito sa pamamagitan ng mga aktibidad na nanganib hindi lamang sa mga sundalo kundi pati sa mga sibilyan.
Binigyang-diin ni Ebalan na ang posisyon ng 3ID ay kaayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at iginiit na “government security operations are never dictated by pronouncements from armed groups.”
“Our foremost concern is to maintain peace and security and to stop the communist terrorist group and other armed elements from using the holiday season as an opportunity to regroup, rearm or engage in activities that endanger the public,” ani Ebalan.
Sinusuportahan din ng 3ID ang Department of National Defense, na nagsasabing ang pahayag ng CTG ay pagtatangkang manatiling relevant.
“We call on communities to stay vigilant, cooperate with authorities, and reject any form of deception or manipulation by groups seeking to undermine peace,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Ebalan na patuloy nilang mino-monitor ang galaw ng CTG, lalo na kaugnay ng pagdiriwang ng founding anniversary nito sa Disyembre 26.
Kahit pa nabuwag na ang lahat ng fronts ng CTG sa Panay at malaki na ang ibinaba ng kanilang bilang sa nakalipas na dalawang taon, tiniyak ni Ebalan na ipagpapatuloy ng 3ID ang pagtugis sa natitirang mga miyembro ng New People’s Army upang tuluyan silang mapuksa sa Panay. RNT/MND