MANILA, Philippines – Pinasalamatan ng Bureau of Immigration (BI) ang frontline immigration officers at mga tauhan nito na naglingkod sa publiko nitong Kapaskuhan kahit pa malayo sa kanilang mga pamilya.
Sa pahayag, kinilala ni BI commissioner Joel Anthony Viado ang mga sakripisyo ng mga frontline immigration personnel sa mga paliparan at pantalan sa buong bansa at sinabing ang dedikasyon ng mga ito ang nagpapakita ng commitment ng BI sa public service.
“Marami sa kanila ang hindi makauwi at hindi makapiling ang kanilang pamilya ngayong Pasko, nananatili silang tapat sa tungkulin,” ani Viado.
Pinuri din niya ang mga frontliner sa kanilang professionalism at sense of duty sa pagsisiguro ng maayos at ligtas na galaw ng mga biyahero sa isa sa itinuturing na ‘busiest travel periods’ ng taon.
“Ang kanilang serbisyo ay hindi lang trabaho – ito ay malasakit at paninindigan sa bayan,” dagdag ni Viado.
Sinabi ng BI na nakapagtala ito ng mahigit 61,000 arrivals ng international travelers sa Pilipinas nitong Christmas rush na lampas sa inaasahan nilang 50,000 average passengers.
Bilang tugon, nagtalaga ang BI ng mas marami pang immigration officers at mobile immigration counters at ginamit din ang electronic gates para maiwasan ang pagsisikip sa primary inspection counters.
Ang mga immigration officer na nakatalaga sa frontline operations ay hindi pinayagang mag-leave noong Pasko at sa Bagong Taon upang masiguro ang sapat na manpower at tuloy-tuloy na serbisyo. RNT/JGC