MANILA, Philippines – Patay ang isang babae matapos saksakin nang paulit-ulit ng isang lalaki umaga ng bisperas ng pasko sa Caloocan City.
Ang biktima nakilalang si alyas Rowena, nasa hustong gulang ay agad na binawian ng buhay sanhi ng tinamong saksak sa katawan.
Ang insidente ay naganap dakong alas-7 ng umaga sa kalye Dona Leoncia malapit sa Kanto ng Paulicas St. ilang metro lamang ang layo sa kanilang bahay.
Ayon sa mga residente, nakita umano nilang naglalakad ang biktima at suspek habang nagtatalo sa hindi nabatid na dahilan at pagsapit sa pinangyarihan ay pinagsasaksak na ito ng Hindi nabatid na uri ng patalim.
Nang humandusay ang biktima sa tapat ng gate ng isang bahay ay agad na itong iniwan ng suspek.
Hindi na nagawang isugod sa pagamutan ang biktima na agad na binawian ng buhay.
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa nasabing pamamaslang. Rene Manahan