UNVERIFIED o walang patotoo ang mga dokumentong nanggaling kay ex-Department of Public Works and Highways Cathy Cabral na naglalaman ng insertions o alokasyon ng mga kongresman, senador, taga-Palasyo at iba pang mga indibidwal at ibinigay kay Batangas Congressman Leandro Legarda-Leviste noong pang Setyembre 4, 2025.
Walang patotoo o unverified, ayon sa Malakanyang, dahil maaaring hindi notaryado o pirmado sa harap ng mga kinauukulang awtoridad ang mga rekord.
Buod ng mga rekord ang kabuuang P3.5 trilyong insertion/alokasyon para sa mga taong 2023-2026.
Bukod pa rito ang unprogrammed funds na P213.8 bilyon na tanging ang Pangulo ang may kapangyarihang maglaan kung saan gagamitin at kung kanino ipahahawak na opisyal ng gobyerno o indibidwal.
Kung mapapansin ninyo, mga brad, triple ang halagang ito sa expose ni Senador Ping Lacson na may P1.2 trilyong anomalya sa DPWH, ngunit tinukoy lang nito ang para sa flood control projects sa nakalipas na 10 taon.
Lumitaw naman sa pagtatanong ni dating Senate President Escudero kay DPWH Secretary Vince Dizon na kalakhan ng iskam sa flood control projects ay naganap sa mga taong 2023 hanggang 2025 na mga unang tatlong taon ng administrasyong Marcos.
Lahat ng 17 rehiyon, may mga insertion/alokasyon ngunit lumilitaw na may mga lalawigan o lungsod o distrito na wala nito na palatandaan ng matinding pamumulitika.
Sa ibang salita, kung hindi ka kakampi ng mga nakaupong makapangyarihan, wala kang insertion o alokasyon.
Ngayon naman, mga brad, nasaan ang mga kikbak sa P3.5 trilyong alokasyon/insertion na naging malinaw lang sa mga ghost project sa flood control projects.
Ito ang “missing link” sa dokumento ni Cabral at tiyak na maghuhugas-kamay lahat ang mga opisyal na nakatali sa nasabing Cabral files na maaaring mapatutunayan sa ibang mga paraan gaya ng rekord mismo ng DPWH at nasa kamay na ng Ombudsman at Department of Justice.






