MANILA, Philippines – Magdaraos ng memorial service ang House of Representatives sa Lunes, Disyembre 29, bilang paggunita at pagbibigay-pugay sa yumaong Antipolo City 2nd district Rep. Romeo Acop.
Pangungunahan ito ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at gaganapin sa plenary hall ng Kamara sa Batasan Complex, Quezon City.
Magkakaroon ng requiem mass alas-9 ng umaga, na susundan ng memorial service alas-10 ng umaga.
Si Acop ay nagsilbing kinatawan ng ikalawang distrito ng Antipolo City sa 15th, 16th, at 17th Congress mula 2010 hanggang 2019, at muli sa 19th Congress mula 2022 hanggang 2025. Isa siyang retiradong police brigadier general at naging overall vice chairman ng House quad-committee sa 19th Congress, na nagsiyasat sa magkakaugnay na isyu ng extrajudicial killings, POGOs, money laundering, at ang Duterte drug war. Umabot sa milyon ang nanood sa mga pagdinig ng quad-comm.
Nahalal siya muli para sa 20th Congress ngunit pumanaw noong Disyembre 20 sa edad na 78 dahil sa atake sa puso.
Kilala si Acop sa kanyang integridad, matibay na prinsipyo, at dedikasyon sa rule of law.
Noong Disyembre 22, pinagtibay ng Kamara ang House Resolution No. 601 na nagpapahayag ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Acop.
Ipinanganak siya noong Marso 11, 1947 sa Sudipen, La Union. Siya ang asawa ng yumaong si Dr. Resurreccion “Cion” Marrero Acop, dating kinatawan din ng Antipolo City 2nd district, at may tatlong anak na sina Philip, Reena, at Karla.
Si Acop ay miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1970 at nagtapos ng Bachelor of Laws, cum laude, sa Jose Rizal University noong 1986.
Nagkaroon siya ng mahabang karera sa Philippine National Police, kabilang ang pagiging Chief Superintendent ng Criminal Investigation Service mula 1994 hanggang 1995, at tumanggap ng maraming parangal para sa kanyang serbisyo sa batas at kaligtasan ng publiko. RNT/MND