Home TOP STORIES Promosyon ng 16K guro sa malinaw na direksyon ni PBBM, pinuri

Promosyon ng 16K guro sa malinaw na direksyon ni PBBM, pinuri

221
0

IPINAHAYAG ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na ang promosyon ng mahigit 16,000 guro sa ilalim ng Department of Education (DepEd) ay malinaw na patunay ng epektibong pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan isa na itong matagal na isyu na tuluyang tinugunan at hindi sa pamamagitan ng pangako, kundi sa aktwal na aksyon.

“Hindi ito basta nangyari. May malinaw na desisyon ang pamahalaan na ayusin ang matagal nang hindi naaayos,” ani Goitia.

Ayon kay Goitia, sa DepEd ay naging malinaw ang papel ni Secretary Sonny Angara sa pagsasakatuparan ng direktiba ng Pangulo. Sa kanya umanong pamumuno, naipakita ang kakayahang pagsamahin ang patakaran at implementasyon, mula sa maayos na paglalaan ng pondo hanggang sa paggalaw ng mga proseso sa loob ng ahensya. Ipinakita nito ang isang kalihim na hindi lamang nagtatakda ng direksyon, kundi marunong ding magpatakbo ng sistema.

“Kapag malinaw ang direksyon at magkakasabay kumikilos ang pamahalaan, kusang umuusad ang reporma,” ani Goitia.

Giit ni Goitia, ang promotion ay higit pa sa usapin ng ranggo o sahod. Isa umano itong pagkilalang matagal nang hinihintay ng mga gurong siyang haligi ng pampublikong edukasyon. Sa pag-alis umano ng backlog, ipinakita ng administrasyon na umaandar ang sistema kapag may malinaw na pamumuno at maayos na koordinasyon.

“Hindi magiging seryoso ang anumang reporma sa edukasyon kung napapabayaan ang mga guro,” ani Goitia.

Ayon pa kay Goitia, maaaring hindi umano ito umani ng malawak na atensyon, ngunit ang tunay na halaga nito ay mararamdaman araw-araw sa mga paaralan sa buong bansa. Isa umano itong patunay ng pamahalaang mas nakatuon sa malinaw na direksyon at kongkretong resulta kaysa palabas.

“Hindi kailangang maging maingay ang pamahalaang gumagana,” pagtatapos ni Goitia. “Ang mahalaga, ito’y tumutupad sa tungkulin nito.”

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic oriented organizations:

Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD),

People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER),

Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at

Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement,

na nagtataguyod ng katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here