MANILA, Philippines – Nasagip ng pulisya ang isang Chinese national matapos tumawag sa 911 emergency hotline at iulat na siya ay ikinukulong at tinatakot gamit ang baril sa Barangay Don Galo, Parañaque City noong Disyembre 27, ayon sa Southern Police District (SPD).
Kinilala ang biktima bilang si Zhenhai, na nasagip bandang 10:40 ng gabi sa loob ng isang condominium unit.
Inaresto naman ang mga suspek na sina Haoxin, 38, at France, 37, kapwa Chinese nationals at residente ng Pandacan, Manila.
Ayon sa pulisya, ikinulong umano ang biktima dahil sa sinasabing utang na ₱25,000 na itinanggi niyang may utang siya.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Parañaque City Police Station Niño Substation, na nagresulta sa pagkakasagip ng biktima at pagkakaaresto ng mga suspek.
Narekober sa mga suspek ang isang 9mm pistol na walang serial number, isang magazine, at siyam na bala.
Nakakulong na ang mga suspek at nahaharap sa mga kasong grave threats, grave coercion, at illegal possession of firearms and ammunition. RNT/MND