MANILA, Philippines – Walang Pilipino ang nasaktan o naapektuhan ng malakas na lindol na tumama sa hilagang-silangang bahagi ng Taiwan, ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Cacdac.
Sa isang post sa X (dating Twitter) noong Linggo ng gabi, sinabi ni Cacdac na wala ring naiulat na pagkaantala o pagkagambala sa trabaho ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa lindol.
“No injured nor adversely affected [Overseas Filipino Workers] in the Taiwan earthquake. No reported cases of disrupted employment either. Our prayers to those adversely affected,” ani Cacdac.
Ayon sa United States Geological Survey (USGS), isang lindol na may lakas na magnitude 6.6 ang tumama sa karagatan sa hilagang-silangang baybayin ng Taiwan noong Sabado. Ito ang ikalawang malakas na pagyanig na tumama sa isla sa loob lamang ng ilang araw.
Samantala, sinabi ng weather agency ng Taiwan na magnitude 7.0 ang lakas ng lindol na tumama alas-11:05 ng gabi (oras sa Maynila) sa lalim na 73 kilometro sa karagatang sakop ng Yilan County, timog-kanluran ng Taipei.
Batay sa mga ulat mula sa ibang bansa, wala ring agarang naiulat na nasawi o napinsala dahil sa naturang lindol. RNT/MND