MANILA, Philippines – Ligtas nang nakabalik sa bansa ang siyam na overseas Filipino workers (OFWs) na biktima ng human trafficking sa Myanmar noong Linggo, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ng DMW na dumating ang mga OFW sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City sakay ng Thai Airways.
Sinalubong sila ni DMW Assistant Secretary Maria Regina Angela Galias kasama ang mga kinatawan mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ng NAIA Task Force Against Human Trafficking (NAIATFAT).
Pagdating, tumanggap ang mga OFW ng paunang tulong pinansyal at serbisyong pangkalinga mula sa DMW at OWWA.
“They are scheduled to report to the DMW in January 2026 for legal aid and additional case management,” ayon sa DMW.
Karamihan sa mga biktima ay naloko sa pamamagitan ng mga job advertisement sa social media na nangangako ng mataas na sahod bilang chat support, ngunit kalaunan ay pinilit na magtrabaho sa mga cyber-scam center sa ilalim ng mahihirap na kondisyon.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan ng Pilipinas sa Thailand at Myanmar upang magsagawa ng mga operasyon laban sa mga sindikato ng human trafficking.
Mula noong 2022, halos 2,000 Pilipinong biktima na ang naitala ng DMW na nailigtas mula sa mga scam hub sa Myanmar, Cambodia, at Laos. RNT/MND