MANILA, Philippines – Nakita sa three-dimensional (3D) scan ng bangin sa Benguet kung saan natagpuang wala nang buhay si resigned Public Works and Highways Undersecretary Maria Catalina “Cathy” Cabral na ito ay posibleng nadulas at hindi itinulak, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa press briefing nitong Lunes, Disyembre 29, sinabi ni PNP Forensic Group officer-in-charge Col. Pierre Paul Carpio na nakita sa 3D scan ng crime scene na si Cabral ay nahulog nang may 0.2 metro lamang ang layo mula sa base ng bangin, at 16.9 metro ang taas mula sa kung saan huli itong nakita.
“If she had been pushed, the chances are she would’ve landed farther from that. It can be seen from her hands that there were scratch marks. Her back has scratch marks. There is a large probability that she slid down,” paliwanag ni Carpio.
Matatandaan na natagpuang patay si Cabral sa ilalim ng bangin ng Kennon Road sa Tuba, Benguet noong gabi ng Disyembre 18.
Sinabi ng kanyang drayber na si Ricardo Hernandez na hiniling ni Cabral na iwanan niya ito kaya nagdesisyon siyang magpa-gas na muna sa kalapit na gasolinahan ngunit pagbalik niya ay wala na ito.
Si Cabral ay iniuugnay sa mga iregularidad sa flood control projects ngunit itinangging may kaugnayan ito sa mga kickback.
Bago ang umano’y pagkahulog, inalis ni Cabral ang kanyang sapatos na ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, ay nagpapakita ng “psychological patterns of a jump suicide.”
Positibo rin si Cabral sa antidepressant batay sa inisyal na toxicology report ng Cordillera regional police forensic unit. RNT/JGC