Bulacan – Arestado ang dalawang indibiduwal nang mabilhan at mahulihan ng P51,990.00 halaga ng iligal na paputok sa buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng Bocaue nitong hapon ng Disyembre 29.
Sa ulat ni PLTCOL Russel Dennis Reburiano, hepe ng Provincial Intelligence Unit, ikinasa nila ang operasyon katuwang ang Bocaue police station bandang 5:35 ng hapon sa Brgy. Biñang 1st.
Ayon sa ulat, nabilhan ang dalawang suspek ng undercover police officer na nagsilbing poseur buyer ng paputok na “crying cow” kapalit ang P500 kaya agad silang inaresto.
Nasamsam din sa kanila ang mga delikadong iligal na paputok gaya ng 200 piraso ng kabase, 200 kingkong, 43 atomic bomb, 800 pla-pla, 100 super lolo, 77 whistle bomb, 4 judas belt o higad, 20 tuna at 100 three star na nasa halagang P51,990.
Nahaharap sa kaukulang kaso ang dalawang suspek na dinala sa tanggapan ng PIU para sa kaukulang dokumentasyon. Dick Mirasol III