Home TOP STORIES Karapatan ng Pinas ‘di mabubura ng kwento ng Tsina – Goitia

Karapatan ng Pinas ‘di mabubura ng kwento ng Tsina – Goitia

215
0

IBINAHAGI ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na ang pagtatangkang ipinta ng Tsina ang kontrol nito sa Scarborough Shoal bilang usapin ng “pangangalaga sa kalikasan” ay hindi nagbabago ng katotohanan.

Ayon kay Goitia, kahit balutin sa magagandang salita, hindi umano nito napapalitan ang batas, at lalong hindi nito nabubura ang karapatan ng Pilipinas na kinikilala ng kasaysayan at ng pandaigdigang batas.

Nabatid pa kay Goitia na nitong mga nagdaang araw ay sunod-sunod na ulat mula sa mga media na malapit sa estado ng Tsina ang naglalarawan sa Beijing bilang tagapangalaga ng Scarborough Shoal, habang ang mga mangingisdang Pilipino at presensya ng Pilipinas ang ginagawang problema. Maayos at tila siyentipiko ang tono, ngunit malinaw ang pakay: gawing normal ang kontrol ng Tsina at isantabi ang lehitimong karapatan ng Pilipinas.

“Hindi na ito bago,” sabi ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia. “Matagal nang ginagamit ang magagandang salita para pagtakpan ang okupasyon. Nagbago lang ang bihis. Ngayon, conservation na ang tawag.”

Ayon kay Goitia, ang Scarborough Shoal ay malinaw na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Hindi ito opinyon o palagay. Pinagtibay ito ng arbitral ruling noong 2016.

“Hindi nababago ng magagandang salita ang legal na katotohanan. Hindi mo puwedeng tawaging pangangalaga ang isang bagay na wala kang karapatan,” ani Goitia.

Aniya ang pagturing sa Pilipinas na parang dayuhan sa sarili nitong dagat ay malinaw na pagbaluktot ng batas. Kahit anong bihis ang ibigay, ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi kailanman kapalit ng soberanya.

Giit pa ni Goitia na bago pa ang mga patrol at ulat, naroon na ang mga mangingisdang Pilipino sa mga katubigang ito. Dito aniya sila nabuhay at dito nila itinaguyod ang kanilang pamilya.

“Hindi pumasok ang ating mga mangingisda bilang mga lumalabag,” sabi ni Goitia. “Ito ang dagat na kinalakihan nila at dito sila naghanapbuhay.”

Ang pagtawag sa kanila bilang ilegal ay mali. Binubura nito ang kanilang kasaysayan at minamaliit ang kanilang hanapbuhay.

Ayon mismo sa mga ulat ng Tsina, nananatiling maayos at malusog ang bahura sa lugar.

“Kung maayos ang bahura, walang batayan ang paratang,” sabi ni Goitia. “Kung may problema man, kailangang patas ang pagsusuri at isama ang epekto ng matagal na presensya ng malalaking barko, mga blockade, at mga paghihigpit.”

Giit pa ni Goitia, ang mga pahayag na inaangkin ng Tsina ang Palawan ay walang batayan. Hindi umano ito sinusuportahan ng kasaysayan, batas, o anumang kasunduan.

Ang Palawan ay malinaw na bahagi ng Pilipinas, kinikilala ng pandaigdigang komunidad at pinamamahalaan ng bansa sa mahabang panahon. Walang seryosong historyador, legal na iskolar, o internasyonal na institusyon ang kumikilala sa ganitong kathang-isip.

“Kapag mas pinalalaki ang kasinungalingan, mas lantad itong nagiging mali,” ani Goitia. “Ang Palawan ay hindi pinagtatalunan at hindi maaaring baluktutin ang kasaysayan nito.”

Ayon kay Goitia, ang pananahimik sa ganitong pahayag ay parang pagpayag na maging normal ang mali. Kaya kailangang tumugon nang malinaw at direkta.

Aniya, hindi sigawan o pananakot ang tugon ng Pilipinas. Sa ilalim ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., malinaw ang direksyon: batas ang sandigan at institusyon ang lakas.

Nangunguna ang Philippine Coast Guard sa pagbabantay sa ating karagatan at pagprotekta sa mga mangingisda, habang malinaw ang tindig ng Department of National Defense sa pamumuno ni Secretary Gilberto Teodoro na ang soberanya at karapatan ng Pilipinas ay hindi tinatakot at hindi tinatawaran.

“Hindi ito palabas,” sabi ni Goitia. “Ito ay seryosong pamamahala.”

Pahayag pa ni Goitia, hindi sa lakas ng boses nasusukat ang pagkamakabayan. Makikita ito sa linaw ng isip, tibay ng loob, at paninindigan sa batas.

“Hindi nadedesisyunan ang soberanya sa ingay o dami ng ulat,” sabi ni Goitia. “Ito ay pinagtitibay ng batas, ng kasaysayan, at ng dangal ng bayang tumatangging mabura sa sariling karagatan.”

Sa ganitong tindig, nananatiling matatag, makatarungan, at hindi matinag ang Pilipinas.

Si Dr. Jose Antonio Goitia, Juris Doctor, PhD, ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na mga advanced degree kabilang ang MNSA, MPA, at MBA, bukod pa sa iba. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here