ALBAY, Philippines – Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Huwebes ang alert level ng Mayon Volcano mula Alert Level 1 (mababang aktibidad) patungong Alert Level 2 (tumitinding/moderatong aktibidad).
Ayon sa Phivolcs, ang kasalukuyang pag-aalboroto ng bulkan ay dulot ng shallow magmatic processes na maaaring magdulot ng mapanganib na pagputok. Nitong Miyerkules, naitala ang 47 rockfall events, ang pinakamataas sa loob ng isang araw sa nakaraang taon.
Ang pagdami ng rockfall ay senyales ng paglaki ng magmatic dome sa itaas na bahagi ng bulkan, katulad ng kondisyon bago ang pagputok nito noong 2023. Bagamat wala pang malaking volcanic earthquakes o sulfur dioxide anomalies, sinabi ng ahensya na patuloy na kakaiba ang ground deformation sa loob ng halos 18 buwan, na iba sa sitwasyon noong 2023.
Base sa datos mula sa EDM, GPS, at electronic tilt monitoring, ang silangan at hilagang-silangang bahagi ng Mayon ay tumutubo o “nagsusweldo” mula Hunyo 2024, habang ang kanluran at timog-kanlurang bahagi ay nagsimulang mag-swelling noong Mayo 2025.
“Persistent and increasing rockfall, coupled with long- to short-term swelling of the edifice, may indicate an increased chance of an eruption occurring at the summit of Mayon. This could generate hazardous volcanic hazards that may impact surrounding communities,” ayon sa Phivolcs.
Pinayuhan ang publiko na maging maingat at iwasan ang anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ). Inabisuhan din ang mga LGU na maghanda para sa posibleng paglikas ng mga residente sa hazard zone kung tataas pa ang alert level. Pinalalahanan ang civil aviation authorities na iwasang lumipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa banta ng abo at ballistic fragments. RNT/MND