Home LIFESTYLE HEALTH DOH sa mga nasugatan ng paputok: Agad magpagamot, magpabakuna ng anti-tetano

DOH sa mga nasugatan ng paputok: Agad magpagamot, magpabakuna ng anti-tetano

372
0
(c) residente mula sa Barangay San Gabriel, City of Malolos

MANILA, Philippines – Hinimok ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes ang mga biktima ng paputok at firecrackers na agad magpagamot at magpabakuna laban sa tetanus upang maiwasan ang impeksyon.

Ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na kailangang linisin at gamutin agad ang mga sugat.

“Depende kung gano kalalim ang sugat [kung] gaano katagal ang ating benda [at] ‘yung mga gasa… pinapalitan ‘yan ng bagong sterile na gasa at habang pinapalitan nililinis ‘yung sugat at ginagamitan ng ating iodine or any antiseptic solution na binibigay ng ating doktor,” ani Domingo.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na sundin ang iniresetang gamot o antibiotics ng doktor.

Ayon sa DOH, ang sugat mula sa paputok ay maaaring mapasukan ng dumi o kemikal na nagdudulot ng tetanus.

Ipinaliwanag ng Centers for Disease Control (CDC) na ang tetanus ay dulot ng bacteria na Clostridium tetani at maaaring pumasok sa katawan sa pamamagitan ng sugat.

Ang incubation period nito ay mula tatlo hanggang 21 araw at maaaring magsimula sa “lockjaw,” hirap lumunok, paninigas ng kalamnan, lagnat, kombulsyon, at iba pang seryosong sintomas na maaaring humantong sa kamatayan.

“Pag yung balat natin nasabugan, pumapasok ‘yung mikrobyo… Naninigas po ang ating katawan sa tetano,” paliwanag ni Domingo.

Dagdag pa niya, “Pag maaga dinala sa ospital at nabakunahan ay hindi tayo magkakaproblema. Magpatingin po tayo at magpabakuna.”

Hanggang alas-4 ng umaga ng Enero 1, 2026, 235 firework-related injuries ang naitala ng DOH sa iba’t ibang bahagi ng bansa. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here