MANILA, Philippines – Kinikilala ang kahalagahan ng unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata sa kaniyang paglaki at pagkatuto, ginawa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang nutrisyon ng mga bata sa murang edad sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Sa kaniyang talumpati sa Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP) Alagang Pinas Summit 2026 na ginanap sa Clark Freeport Zone, Pampanga, araw ng Miyerkules, sinabi ni Pangulong Marcos na dapat magkaroon ng access ang mga pamilya sa mga serbisyong suporta sa kanilang mga komunidad mula sa panahon ng pagbubuntis hanggang sa ikalawang kaarawan ng bata.
“Kapag napansin ng magulang na may problema sa paglaki ng kanyang anak, dapat alam nila kung saan pupunta, kung anong suporta ang makukuha, at kung anong proseso ang gagawin,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Ito po ang nais nating tiyakin sa okasyong ito. Sa pamamagitan ng Alagang Pinas Summit, ang mga serbisyong nasimulan sa ilalim ng PMNP ay magpapatuloy upang ang bawat batang nangangailangan ng tulong sa nutrisyon ay makaka-tanggap ng angkop at sapat na pangangalaga,” aniya pa rin.
Binigyang-diin ng Pangulo na hindi lamang sapat na pagkain ang kailangan upang mapabuti ang nutrisyon ng mga bata. Mahalaga rin ang pagkakaroon ng access ng mga pamilya sa serbisyong pangkalusugan, malinis na tubig, maayos na sanitasyon, at iba pang mahahalagang serbisyo.
Ayon sa Pangulo, ang pangunahing hamon ay kung paano matitiyak na ang mga serbisyong ito ay tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan at patuloy na naihahatid, lalo na sa mga komunidad na higit na nangangailangan nito.
Ito ang dahilan kung bakit isinulong ng pamahalaan ang mas pinagsama-samang pamamaraan sa pamamagitan ng Philippine Plan of Action for Nutrition 2023–2028. Pinag-uugnay nito ang mga pambansang ahensiya, lokal na pamahalaan, at mga katuwang sa pagpapaunlad upang matugunan ang mga kakulangan sa paghahatid ng serbisyo at mas mapakinabangan ang mga magagamit na yaman.
Alinsunod sa pinagsama-samang pamamaraang ito, pinagsasama ng PMNP ang mga programa at serbisyong pangkalusugan, nutrisyon, tubig at sanitasyon, gayundin ang mga interbensiyon para sa maagang pag-unlad ng mga bata sa antas ng lokal na pamahalaan, dagdag ng Pangulo.
Aminado rin ang Pangulo na nananatiling malaking hamon sa bansa ang malnutrisyon. Dahil dito, nanawagan siya ng karagdagang suporta para sa mga lokal na pamahalaang kulang sa pondo at teknikal na kakayahan, gayundin ng agarang pagtugon sa mga problema sa koordinasyon na maaaring makaapekto sa paghahatid ng mga serbisyo.
“Dapat pa nating palakasin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa, tugunan ang kakulangan sa pondo, at higit na gamitin ang datos tungkol sa nutrisyon upang maging gabay sa mga pagpapasya at masukat ang mga resulta,” diin ni Pangulong Marcos.
“Dapat patuloy na magbigay ng suporta sa patakaran at teknikal na aspeto ang mga pambansang ahensiya, habang mas pinagtitibay naman ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang pananagutan sa mga programang pangnutrisyon sa pamamagitan ng pagsasama ng mga ito sa kanilang regular na programa at mga prayoridad sa pagpapaunlad.”
Iniulat din ng Pangulo na hanggang Setyembre 30, 2026, umabot na sa 6.17 milyon ang bilang ng mga benepisyaryo ng proyekto sa 235 kalahok na munisipalidad.
Mahigit 500,000 batang wala pang limang taong gulang ang nasubaybayan at nabigyan ng serbisyo, habang 134 na kalahok na munisipalidad ang nakapagtala ng malaking pagbaba sa kaso ng pagkabansot sa paglaki (stunting) matapos ang dalawang taong pagpapatupad ng mga nakatuong programa at interbensiyong pinagsama-sama mula sa iba’t ibang sektor.
Sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangang higit pang pangalagaan ang mga batang Pilipino at tiyakin ang kanilang kalusugan at kapakanan.
“Kapag may nagkasakit sa pamilya, tila krisis ang tumama. Sa mahal ng pagpapagamot, kaya nitong simutin ang kita o ipon ng isang pamilya,” ani ng Pangulo.
“Kaya malusog na pamumuhay ang ating pangunahing isinusulong: kumpletong bakuna; maayos na nutrisyon; regular na ehersisyo; at pag-iwas sa masamang bisyo at mapanganib na gawain.”
Pinangungunahan ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang PMNP na naglalayong palakasin ang pamamahala ng mga lokal na pamahalaan sa mga programang pangnutrisyon, pagbutihin ang paghahatid ng mga serbisyo, at isulong ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang matugunan ang malnutrisyon sa mga kalahok na lokal na pamahalaan.
Inilunsad noong Marso 2023, pinagsasama-sama ng proyekto ang mga serbisyong pangkalusugan, nutrisyon, tubig at sanitasyon, at pangangalaga sa maagang pag-unlad ng mga bata mula sa iba’t ibang sektor.
Inilalapit din nito ang mga pondo at iba pang mapagkukunan sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga lokal na pamahalaan at mga manggagawang pangkalusugan na direktang nagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan. Gumagamit din ito ng datos upang subaybayan ang mga resulta at mapabuti ang mga programa.
Nakatakdang magtapos ang operasyon ng PMNP sa Disyembre 31, 2026.
Sa tulong ng World Bank (WB), kabilang sa mga pangunahing programa ng proyekto ang pangangalaga sa kalusugan ng mga buntis, pagbibigay ng mga suplementong bitamina at mineral, pagtataguyod ng pagpapasuso, wastong pagpapakain sa mga sanggol at maliliit na bata, pagpapabuti ng kanilang pagkain at nutrisyon, at pagpapalawak ng access sa maayos na sanitasyon. (KRIS JOSE)