MANILA, Philippines – Posibleng makaranas ng rollback sa presyo ng produktong petrolyo ang mga motorista sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy–Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB).
Sinabi ni Assistant Director Rodela Romero na batay sa tatlong araw na Mean of Platts Singapore trading ang inaasahang pagbabago sa presyo.
Ayon sa DOE, maaaring bumaba ng humigit-kumulang P0.50 kada litro ang gasolina, habang inaasahang may rollback na nasa P0.15 ang diesel at P0.20 naman ang kerosene.
Nilinaw ni Romero na hindi pa kasama sa mga pagtatayang ito ang operating cost ng mga kompanya ng langis at iba pang premium.
Iniuugnay ang inaasahang rollback sa paghupa ng geopolitical risks, inaasahang global oversupply, mahinang demand mula sa malalaking konsyumer gaya ng China, at sa polisiya at market balance ng OPEC+.
Inaasahang mag-aanunsyo ang mga kompanya ng langis ng opisyal na price adjustment tuwing Lunes na ipatutupad kinabukasan. RNT