Home NATIONWIDE 3 weather system, magpapaulan sa Pinas

3 weather system, magpapaulan sa Pinas

238
0

MANILA, Philippines – Tatlong weather system ang magdadala ng maulap na kalangitan at pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes, ayon sa PAGASA.

Maaapektuhan ng Shear Line ang Southern Luzon, iiral ang Northeast Monsoon o amihan sa Northern at Central Luzon, habang mararamdaman ang epekto ng Easterlies sa iba pang bahagi ng bansa.

Magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Western Visayas, Albay, Sorsogon, Masbate, Romblon, Palawan, at Northern Samar dahil sa Shear Line, na may banta ng flash flood at landslide dulot ng katamtaman hanggang malakas na ulan.

Samantala, aasahan ang maulap na kalangitan na may pag-ulan sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, at iba pang bahagi ng MIMAROPA at Bicol Region dahil sa amihan, na maaari ring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Bahagyang maaapektuhan ang Ilocos Region na magkakaroon ng maulap na kalangitan at bahagyang pag-ulan. Sa natitirang bahagi ng bansa, posibleng makaranas ng panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms dahil sa Easterlies.

Malakas hanggang gale ang hangin sa Northern Luzon na magdudulot ng magaspang hanggang napakagaspang na karagatan, habang katamtaman hanggang malakas ang hangin sa natitirang bahagi ng Luzon at bahagyang hanggang katamtaman naman sa ibang lugar sa bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here