CEBU – Nakakulong ngayon ang isang 19-anyos na Hapon makaraan ireklamo ng panggagahasa ng ina ng 17-anyos na dalagita, iniulat kahapon sa Mabolo, Cebu.
Nakakulong sa lock-up cell ng Mabolo Police Station ang suspek na itinago sa pangalang Sutra, at naninirahan sa Juan Luna Avenue, sa nabanggit na barangay.
Personal na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang ina ng 17-anyos na dalagita para pormal na magsampa ng reklamong panggagahasa laban sa suspek noong Disyembre 29, 2025.
Sa salaysay ng biktima, na itinago sa pangalang Bona, nakilala niya ang suspek sa social media at inimbitahan siyang magtungo sa bahay nito.
Aniya, sa una ay naging kampante ang loob niya sa suspek kaya tinanggap niya ang imbitasyon.
Tumagal ng ilang oras ang biktima sa bahay ng suspek at kalaunan ay nagpaalam na ring umuwi sa takot na mapagalitan ng kanyang ina kapag hindi nakauwi.
Dito, umano ay sinimulan ng suspek ang makamundong pagnanasa nito sa biktima at pagkatapos ay pinauwi na siya.
Agad namang nagsumbong sa kanyang ina ang biktima tungkol sa ginawang pambababoy sa kanya ng suspek, na nagresulta sa pagkakadakip nito.
Sa himpilan ng pulisya, inamin ng suspek na ginalaw niya ang biktima at sinabing may relasyon sila kaya niya ito ginawa.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya at posibleng kasong isasampa laban sa suspek.