MANILA, Philippines – Nagbangon ng maraming tanong ang pagkamatay ni dating Public Works Undersecretary Maria Catalina Cabral, kabilang ang katotohanan sa kanyang pagkamatay at ang magiging takbo ng imbestigasyon sa umano’y flood control scandal kung saan siya sana ang pangunahing saksi.
Si Cabral ay iniuugnay sa pamamahagi ng tinatawag na “allocables” sa mga mambabatas at opisyal ng gobyerno at sinasabing may hawak na listahan ng mga budget insertions at mga proponent nito.
Ayon kay Batangas Rep. Leandro Leviste, hawak niya ang tinatawag na “Cabral Files,” na tinutulan naman ng Malacañang at tinawag na “Leviste Files,” at kinuwestiyon ang pagiging tunay ng mga ito.
Ayon sa political analyst na si Atty. Dino De Leon, mas maaga sanang nasiguro ang testimonya ni Cabral kung may epektibo at time-bound na Witness Protection Program (WPP).
“It definitely shows the weakness of our legal system in protecting witnesses and taking care of their welfare and ensuring that we are able to secure their testimony in the swiftest time possible,” ani De Leon.
Ipinaliwanag niya na dapat agad na pinapangalagaan at pinapreserba ang testimonya ng mga saksi kahit wala pang kasong naisampa.
“The biggest protection of the witnesses… is making it as standard operating procedure… to perpetuate their testimony,” dagdag niya.
Sa ilalim ng RA 6981, ang WPP ang pangunahing mekanismo ng proteksyon ng mga saksi. Gayunman, ayon kay De Leon, dapat ding isaalang-alang ang mental, sosyal, at ekonomikong kalagayan ng mga testigo, hindi lang ang pisikal na seguridad.
Binanggit din niya ang posibleng conflict of interest dahil nasa ilalim ng Department of Justice ang WPP.
“I think it’s high time for the Philippines to also consider that the Witness Protection Program should not be handled by the executive,” aniya.
Dagdag pa niya, dapat gawing pamantayan ng mga imbestigasyon ang maagap na pagkuha at pagpreserba ng testimonya ng mga saksi, kahit wala pang pormal na kaso. RNT/MND