PASAY CITY – Arestado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isa na namang Chinese national na umano’y gumamit ng pekeng Filipino identity at iniuugnay sa pagpatay sa dalawang Chinese national sa Parañaque City noong 2024.
Kinilala ng Bureau of Immigration (BI) ang suspek na si Yao Shucheng, 36, na gumagamit din ng alyas na Lee King Agbulos at nagpapakilalang Filipino.
Dinakip si Yao ng mga operatiba ng BI Intelligence Division pagdating nito sa NAIA Terminal 1 dakong alas-6:40 ng umaga nitong Linggo, Nobyembre 8, sakay ng Philippine Airlines flight PR596 mula Hanoi, Vietnam.
Ayon sa BI, nakakuha umano ang suspek ng lehitimong Philippine passport gamit ang birth certificate na iligal na nakuha sa ilalim ng kaniyang inangking Filipino identity.
Tinawag na “phantom citizenship” o “Fake Filipino” scheme ang ganitong modus kung saan nagpapanggap na Pilipino ang mga dayuhan sa pamamagitan ng paggamit ng mga pekeng o mapanlinlang na dokumento upang makakuha ng government-issued identification at travel documents.
Bukod sa umano’y pandaraya sa pagkakakilanlan at paglabag sa immigration laws, iniugnay rin si Yao sa isang pamamaril sa Parañaque City noong 2024 na ikinasawi ng dalawang Chinese national. Isasailalim pa sa masusing imbestigasyon ng mga kinauukulang awtoridad ang naturang alegasyon.
Matagal na umanong minamanmanan ng BI intelligence operatives ang kilos ni Yao sa ibang bansa hanggang matukoy ang nakatakda nitong pagdating sa Pilipinas. Agad namang inilabas ang Mission Order para sa kaniyang pag-aresto matapos itong aprubahan ni Immigration Commissioner Joel Anthony M. Viado.
Ayon kay Viado, hindi lamang simpleng pamemeke ng dokumento ang paggamit ng pekeng Filipino identity dahil maaari itong gamitin ng mga dayuhan upang makalusot sa immigration controls at pagtakpan ang kanilang tunay na pagkakakilanlan, kabilang ang posibleng pagkakasangkot sa iba pang krimen.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng BI si Yao habang isinasagawa ang immigration inquest proceedings. Plano ng ahensiya na ipa-deport ito at isama sa blacklist upang hindi na muling makapasok sa Pilipinas, habang hinihintay ang posibleng pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal ng iba pang law enforcement agencies. JAY Reyes