Home HOME BANNER STORY Venezuela President dinakip ng US

Venezuela President dinakip ng US

249
0

MANILA, Philippines – Nagsagawa ang Estados Unidos ng malawakang operasyong militar sa Venezuela nitong Sabado, na nagresulta sa pagkakaaresto kay Pangulong Nicolás Maduro at ng kaniyang asawa, Cilia Flores, ayon kay Pangulong Donald Trump.

Mula sa Mar-a-Lago sa Florida, sinabi ni Trump na “successful” ang operasyon, kung saan isinagawa ng U.S. forces ang koordinadong air, land, at sea assault sa Caracas, na napasuko ang mga tropang tapat kay Maduro.

“Ang Estados Unidos ng Amerika ay matagumpay na nagsagawa ng malawakang pag-atake laban sa Venezuela at sa kaniyang lider, si Pangulong Nicolas Maduro, na kasama ang kaniyang asawa ay naaresto at inililipat palabas ng bansa,” wika ni Trump.

Idinagdag niya na pamamahalaan pansamantala ng U.S. ang Venezuela upang masiguro ang maayos at ligtas na transisyon sa bagong pamahalaan.

Haharapin nina Maduro at Flores ang federal na kaso sa U.S. kaugnay ng narco-terrorism at drug trafficking at ililipat sila sa Amerika upang harapin ang paglilitis.

Inakusahan ni Trump si Maduro ng pagpapatakbo ng kriminal na network na nagpadala ng malalaking volume ng cocaine sa U.S. at paggamit ng mga gang para gumawa ng krimen sa mga lungsod ng Amerika.

Nagkaroon ng mga pagsabog sa Caracas at iba pang lugar nang madaling araw ng Sabado, dahilan para ideklara ng pamahalaan ni Maduro ang national emergency at i-mobilize ang mga tropa.

May mga ulat ng usok at pagsabog malapit sa mga military base, habang ipinahayag ng mga residente ang takot at pangamba. Sinabi ng Bise Presidente Delcy Rodriguez na hindi niya alam ang kinaroroonan nina Maduro at Flores, habang nanawagan sina Defense Minister Vladimir Padrino at Interior Minister Diosdado Cabello na labanan ang interbensyon ng U.S.

Ayon kay Trump, isinagawa ang operasyon ng elite U.S. forces kabilang ang Delta Force at nagkaroon ng mga civilian at military casualties, bagama’t walang eksaktong bilang. Wika niya, walang naaksidenteng U.S. forces at nasakop ang mahahalagang assets ng pamahalaan.

Nanatili ang U.S. embargo sa langis ng Venezuela, at sinabi ni Trump na tutulungan ng mga Amerikanong kumpanya ang muling pagpapaayos ng industriya.

Tinuligsa ng mga kaalyado ni Maduro tulad ng Russia, Cuba, at Iran ang operasyon, na tinawag na paglabag sa soberanya.

Inilarawan ni Trump ang interbensyon bilang babala sa sinumang banta sa seguridad ng Amerika.

“Dapat maintindihan ng lahat ng politikal at militar na lider sa Venezuela na ang nangyari kay Maduro ay maaaring mangyari sa kanila,” ani Trump. Idinagdag niya na pinabuti ng operasyon ang seguridad ng U.S. at ng Western Hemisphere, at handa ang mas malaking ikalawang yugto ng atake ngunit hindi na ito kinakailangan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here